Hindi Luho ang Hiling: Boses ng Isang Guro sa Gitna ng Krisis
Ang inyong mababasa ay isang liham mula sa isang guro na kung saan humihingi ng payo sa inyong abang lingkod. Basahin upang maintindihan natin ang kanyang kalagayan na maaaring kapupulutan natin ng aral.
Dear Sir OER,
Ang kapayapaan ay sumasainyo nawa!
Ako po ay si Titser Joann, di ko po tunay na pangalan. Isa po akong guro sa isang pampublikong paaralan. Mahigit sampung taon na po akong nagtuturo at buong puso kong minamahal ang aking propesyon. Sa bawat araw na pumapasok ako sa silid-aralan, dala ko ang pangarap na may mabago sa buhay ng aking mga estudyante. Masaya akong makita silang natututo, nangangarap, at unti-unting umaangat sa buhay; siyang tanging nagbibigay sa akin ng tunay na saya ang makita silang nagtatagumpay.
Ngunit sa likod ng aking mga ngiti at pagiging matatag sa harap ng klase, may isang katotohanang matagal ko nang kinikimkim—hirap na hirap na po akong pagkasyahin ang aming pang-araw-araw na gastusin maliban pa sa mga hindi inaasahang gastos na siyang nagpapalubog lalo.
Malapit na naman po ang pasukan ngayong Hunyo. Habang abala ang marami sa paghahanda ng school supplies, enrollment, at bagong uniporme, ako naman ay punong-puno ng pag-aalala kung paano ko maitatawid ang susunod na mga buwan.
May anak na po akong magco-college ngayong taon. Bilang isang magulang, gusto kong maibigay sa kanya ang magandang kinabukasan. Ayokong maranasan niya ang hirap na dinanas namin noon. Ngunit habang papalapit ang enrollment, mas lalo kong nararamdaman ang bigat ng katotohanan—parang hindi sapat ang sahod ng isang guro upang matustusan ang lahat ng pangangailangan ng pamilya at ito ang aking pinoproblema araw-araw.
Sa totoo lang po, Sir OER, minsan naiisip ko na ring mangibang-bansa dahil sa nakikita ko na ang dating mga kasama ko na ngayon ay dun na nagtatrabaho; ngayon ang buhay nila tunay na nakakaangat na at magaganda na buhay at naibigay nila ang pangangailangan sa pamilya.
Hindi dahil ayaw ko na sa pagtuturo dito sa Pilipinas. Mahal ko po ang mga estudyante ko at mahal ko ang aking trabaho. Pero bilang isang magulang, minsan mapipilitan kang isipin kung saan mas may pagkakataon kang mabigyan ng maayos na buhay ang iyong pamilya at sigurado ako na iyan na man talaga ang gusto ng bawat isa sa atin bilang magulang.
May mga kakilala po akong guro na nabanggit ko nga po ay nagtatrabaho na ngayon sa ibang bansa. Ang iba ay naging caregivers, factory workers, o tutors abroad. Sinasabi nilang kahit mahirap ang buhay doon, mas malaki pa rin daw ang kinikita nila kaysa rito. Nakapagpapatayo na sila ng bahay, nakakapag-ipon, at higit sa lahat, hindi na sila araw-araw kinakabahan sa gastusin.
At minsan po, hindi ko maiwasang itanong sa sarili ko:
“Kailangan ko rin bang umalis ng bansa para lamang mabigyan ng magandang buhay ang aking pamilya? Tama kaya ang magiging desisyon ko?” Nalilito na ako!
Marami ang nag-aakala na kapag public school teacher ay stable na agad ang buhay. Totoong may regular kaming trabaho, ngunit hindi nakikita ng marami ang tunay na kalagayan sa likod nito.
Pagdating ng sahod, halos wala nang natitira dahil sa:
- bayarin sa bahay
- loan deductions
- gastusin sa mga anak
- pagkain at pamasahe
Bukod pa rito, may mga pagkakataon ding kami pa mismo ang gumagastos para sa classroom at mga pangangailangan ng mga estudyante. Hindi mo kakayaning tingnan ang isang bata na walang almusal,walang laman ang sikmura at wala pang baon; binibigyan ko talaga ng pagkain sa tuwing may isang batang alama kong nagugutom dahil wala daw pagkain sa bahay nila at marahil sa sobrang hirap sa buhay. Hindi na man pwedeng hingiin pa sa school ang pagkain nila kaya ako na ang magkusa.
Sa pagtaas ng presyo ng bilihin ngayon, tila lalong lumiit ang halaga ng aming kinikita. Ang dating sapat na budget sa grocery ay halos ilang araw na lamang tinatagal. Ang matrikula, pamasahe, at iba pang gastusin ay patuloy ding tumataas.
Minsan tuloy, kahit gusto mong maging positibo, hindi mo maiwasang mapagod kakaisip. Kaliwa't kanan uutang sa mga kasamahan kahit nga sa online ay sinusubukan kong humiram kahit na alam kong napakalaki ng interest, eh ano ba magagawa natin kung tayo mismo ay kapit na patalim.
“Sir OER, Nakakapanghina na Po Minsan…”
May mga gabing hindi ako makatulog dahil iniisip ko kung saan kukuha ng pambayad sa enrollment ng anak ko sa kolehiyo. Nais ko mang magloan sa GSIS pero talagang hindi na pwede kasi nasa baseline na rin ang aking sahod.
May mga araw na pumapasok ako sa paaralan na puno ng problema ngunit kailangan pa ring ngumiti sa harap ng mga estudyante. Ika nga nila, tayo bilang guro ay magaling na mga actor o actress na kahit maraming problema ay kaya nating magdala na para bang ang dami -daming nating pera tingnan...pero di lang nila alam.
Kailangan nating maging matatag dahil guro tayo. Pero ang totoo, tao rin tayo. Napapagod din. Nababahala rin sa kinabukasan.
At habang papalapit ang pasukan, mas lalo kong naiisip sana ay maisakatuparan na ang matagal nang panawagan para sa:
- ₱15,000 across-the-board salary increase
o kaya naman ay
- ₱50,000 monthly salary para sa mga guro
Hindi po ito luho. Hindi po ito pagiging sakim. Ito ay isa sa pinakapangunahing pangagailangan.
Ang gusto lamang po namin ay mabuhay nang may dignidad. Iyong hindi na kailangang umutang bago sumahod. Iyong hindi na kailangang mamili kung pagkain ba o tuition fee ang unang babayaran at napaka-imposibleng pagsabayan ang lahat ng bayarin.
Marami pa rin po sa amin ang nananatili sa serbisyo dahil naniniwala kaming marangal ang pagiging guro. Sa kabila ng hirap, patuloy kaming pumapasok, nagtuturo, at gumagabay sa kabataan.
Ngunit minsan, mahirap maging inspirasyon sa iba kung ikaw mismo ay halos mawalan na rin ng pag-asa dahil sa problemang pinansiyal.
Hindi biro ang trabaho ng isang guro. Bukod sa pagtuturo, marami pang paperwork, reports, meetings, at school activities na kailangang tapusin. Minsan nga, inuuwi pa namin ang trabaho sa bahay at madalas naman talaga itong nangyayari.
At kahit bakasyon ng mga estudyante, kadalasan ay may seminars, trainings, o iba pang school-related work pa rin kaming inaasikaso, pasalamat na nga lang at mabait ang aming principal na talagang may isang buwang uniterrupted talaga at least.
Kaya naman hindi maiiwasang maramdaman naming parang kulang pa rin ang pagpapahalaga sa mga guro.
Dear Sir OER, Ano Po Kaya ang Dapat Kong Gawin?
Sa ngayon po, nalilito ako kung ano ang dapat kong unahin.
Ipagpapatuloy ko pa ba ang pagtuturo rito sa Pilipinas kahit halos kapos na kami buwan-buwan?
O susubukan ko bang mangibang-bansa kahit masakit isipin na maaaring malayo ako sa aking pamilya?
Ayokong iwan ang aking mga anak habang lumalaki sila. Ngunit ayoko rin namang makita silang humihinto sa pag-aaral dahil lamang sa kakulangan sa pera na alam ko naman na may pag-asa pa rin sa departmento natin.
Kaya po ako sumusulat ngayon upang humingi ng payo at lakas ng loob.
Lubos na gumagalang,
Titser Joann
*Abangan ang pagbibigay ng payo mula kay Sir OER. Huwag kalimutang mag-subscribe para updated kayo at patuloy na makakatanggap ng mga kwentong gaya nito; mga kwentong kapupulutan ng aral bilang guro.
Narito ang Sagot ni Sir OER kay Ma’am Joann: Sa Gitna ng Pagtuturo, Kahirapan, at Mabigat na Desisyon

Post a Comment
0 Comments