₱50K Entry-Level Salary para sa mga Guro: Pangarap ba o Panahon na Upang Tuparin?

Ang isyung ito ay tunay na napapanahon lalo pa't nag-taasan na ang presyo ng mga bilihin. Muling naging usap-usapan sa social media at iba’t ibang online platforms ang pahayag ni Sonny Angara tungkol sa pagsusulong ng ₱50,000 entry-level salary para sa mga pampublikong guro sa Pilipinas. Maraming kaguruan ang natuwa, napaasa, at nagkaroon ng panibagong pag-asa na baka sa wakas ay mabigyan na ng sapat na pagkilala ang kanilang sakripisyo at mahalagang papel sa lipunan. Ngunit kasabay nito ay ang tanong ng marami: posible nga ba itong mangyari, o isa na naman ba itong pangakong maganda lamang pakinggan ngunit mahirap maisakatuparan? o hindi kaya ay lumabas na naman ang usaping ito ay dahil nalalapit na ang eleksiyon?

Sa kasalukuyan, isa sa pinakamabigat na hamon na kinahaharap ng mga guro sa bansa ay ang mababang sahod kumpara sa lawak ng kanilang trabaho at responsibilidad. Bagama’t tumaas na ang salary grade ng mga teachers sa nakaraang mga taon, marami pa rin ang nagsasabing hindi ito sapat upang matugunan ang tunay na gastusin sa araw-araw. Mataas ang presyo ng pagkain, pamasahe, upa sa bahay, internet, kuryente, at iba pang pangunahing pangangailangan. Marami ring guro ang may sariling pamilya, anak na pinag-aaral, at minsan ay tumutulong pa sa kanilang mga magulang o kapatid at sa ibang pangyayari sa buhay na hindi inaasahan na mangangailang pinansiyal. Mga gastusing hindi inaasahan.

Marahil iniisip ng karamihan na ang mga guro ay kontento na sa sahod na kanilang tinatanggap ngunit lingid sa kaalaman ng publiko na maraming teachers ang napipilitang umutang upang makaraos sa buwanang gastusin. Ang iba ay may loans sa bangko, GSIS, lending companies, cooperatives at iba pang Private Lending Institution (PLI). Ang iba naman ay gumagawa ng sideline jobs tulad ng online selling, tutorial services, content creation, o pagnenegosyo upang madagdagan ang kita. Nakakalungkot isipin na ang mga taong nagtuturo sa kabataan at humuhubog sa kinabukasan ng bansa ay sila ring hirap na hirap matugunan ang sarili nilang pangangailangan. Kamakailan nga na may na feature sa KMJS na mga gurong nagkaproblema sa pinansiyal dahil tila ay walang nang inuuwi na sahod tuwing payday dahil ito ay sapat lang sa pambayad ng utang o mga loans.

Dahil dito, marami ang sumang-ayon sa ideya ng ₱50,000 na entry-level salary. Para sa iba, hindi ito sobrang taas kundi sapat lamang upang mabigyan ng disenteng pamumuhay ang mga guro. Sa panahon ngayon, ang ₱27,000 hanggang ₱30,000 na panimulang sahod ay mabilis nang nauubos dahil sa taas ng inflation at gastusin. Kung tutuusin, ang propesyon ng pagtuturo ay hindi lamang ordinaryong trabaho. Malaki ang responsibilidad ng isang guro dahil hawak nila ang paghubog sa kaalaman, disiplina, at kinabukasan ng mga estudyante.

Ayon sa mga ulat, nagpahayag si DepEd Sec. Angara ng suporta sa panukalang salary increase para sa mga teachers at sinabi niyang dapat maging competitive ang sahod ng educators upang makahikayat ng mahuhusay na graduates na pumasok sa teaching profession. Mahalaga ang puntong ito dahil sa kasalukuyan, maraming matatalinong estudyante ang mas pinipiling kumuha ng kurso o trabaho na may mas malaking kita kaysa pagtuturo. Dahil dito, may pangamba na unti-unting mawalan ng interes ang ilan sa pagiging guro dahil hindi umano sapat ang financial reward nito. 

Kapag mababa ang tingin ng lipunan sa sahod ng isang propesyon, naaapektuhan din ang pagtingin ng mga tao rito. Maraming kabataan ngayon ang nagsasabing gusto nilang maging successful sa buhay, ngunit bihira ang nagsasabing gusto nilang maging teacher dahil alam nilang hindi ganoon kalaki ang kikitain nila. Nakakalungkot ito dahil napakahalaga ng papel ng mga educators sa pagbuo ng isang maunlad na bansa dahil kung wala sila, paano na lang maipagpatuloy ang mga kaalamang tiyak na magdudulot ng kaunlaran sa isang bansa.

Kung maisasakatuparan ang ₱50,000 entry-level salary, maaaring magkaroon ng malaking pagbabago sa education sector. Una, tataas ang morale ng mga teachers. Kapag nararamdaman ng empleyado na pinahahalagahan siya, mas nagiging motivated siyang gawin nang maayos ang kanyang trabaho. Ang isang gurong hindi gaanong iniisip ang problema sa pera ay mas makakapag-focus sa pagtuturo at pag-aalaga sa kanyang mga estudyante.

Ikalawa, maaaring mabawasan ang brain drain o pag-alis ng mga teachers patungong ibang bansa. Hindi maikakaila na maraming Filipino teachers ang mas pinipiling magturo abroad dahil mas mataas ang sahod at mas maganda ang benepisyo roon. Sa ilang bansa, ang sahod ng guro ay sapat upang magkaroon ng komportableng buhay. Dahil dito, maraming magagaling na educators ang umaalis sa Pilipinas upang maghanap ng mas magandang oportunidad. Hindi nga maipagkaila na marami ng kaguruang umalis at doon nagturo sa ibang bansa at madalas nating mapapanuod sa Facebook na makikita ang malaking pinagkaiba o agwat pagdating sa pasahod.

Kapag mas mataas ang sahod dito sa bansa, maaaring mas maraming teachers ang manatili at magserbisyo sa mga Pilipinong estudyante. Mas magiging attractive din ang teaching profession para sa mga kabataan at posibleng dumami ang mga mahuhusay na aplikante sa education programs.

Ikatlo, maaari rin nitong mapabuti ang kalidad ng edukasyon. Bagama’t hindi lamang sahod ang sukatan ng mahusay na edukasyon, malaking factor pa rin ang working conditions ng teachers. Kung ang isang guro ay pagod, stressed, at problemado sa pera, naaapektuhan din ang kanyang performance sa classroom. Ngunit kung may sapat siyang kita at suporta, mas magkakaroon siya ng oras at lakas upang pagbutihin ang lesson preparation, student engagement, at professional development.

Gayunpaman, hindi rin mawawala ang mga kritiko sa panukalang ito. May ilan na nagsasabing napakalaki ng kakailanganing budget upang maipatupad ang ₱50,000 entry-level salary para sa lahat ng public school teachers. Sa dami ng educators sa bansa, maaaring umabot umano sa daan-daang bilyong piso ang kakailanganin ng gobyerno bawat taon. Ito ang isa sa pinakamalaking hamon sa panukalang salary increase.

May mga nagtatanong: saan kukunin ang pondo? Kakayanin ba ito ng national budget? Hindi ba maaapektuhan ang ibang sektor tulad ng health, infrastructure, agriculture, at social services?

Makatuwiran din ang mga tanong na ito dahil hindi biro ang pagtaas ng sahod sa government workforce. Kailangan itong pag-aralang mabuti upang masigurong sustainable at hindi magiging pabigat sa ekonomiya. Ngunit para sa maraming guro, hindi dapat maging dahilan ang kakulangan sa budget upang hindi sila mabigyan ng sapat na kompensasyon. Sa kanilang pananaw, kung may pondo para sa ibang proyekto ng gobyerno, dapat mas bigyan ng prayoridad ang edukasyon dahil ito ang pundasyon ng pag-unlad ng bansa.

May ilan ding nagsasabing dapat hindi lamang salary increase ang pagtuunan ng pansin kundi pati ang pagbabawas ng workload ng mga teachers. Sa kasalukuyan, marami sa kanila ang hirap hindi lamang dahil sa mababang sahod kundi dahil sa dami ng paperworks, reports, meetings, at non-teaching tasks. Madalas ay nauubos ang oras ng teachers sa administrative work kaysa aktwal na pagtuturo.

Kung tutuusin, maraming educators ang matagal nang nananawagan ng mas maayos na working conditions. Gusto nila ng sapat na teaching materials, mas maayos na classrooms, mas mabilis na internet, at mas kaunting unnecessary reports. Para sa kanila, mahalagang sabayan ng salary increase ang tunay na reporma sa education system.

May punto rin ang ilang netizens na nagsasabing matagal nang ginagamit ng mga politiko ang salary increase ng teachers bilang campaign promise o popular na pahayag upang makuha ang simpatya ng publiko. Dahil dito, may ilan na nagiging skeptical o hindi agad naniniwala hangga’t walang konkretong batas o malinaw na implementasyon. Ika nga nila, "To see is to believe". Hindi natin masisisi ang iba kung bakit negatibo ang kanilang pananaw dahil sa ilang beses na rin nangako na tataasan ang sahod ng mga guro subalit lumipas ang ilang taon, ang pangako ay nakapako pa rin. 

Hindi rin maikakaila na maraming teachers ang ilang beses nang umasa sa mga pangako noon ngunit nauwi lamang sa maliit na adjustment o mabagal na proseso. Kaya para sa iba, hindi sapat ang simpleng pagsasabing “ipaglalaban” ito. Mas gusto nilang makita ang aktwal na hakbang tulad ng pagsusulong ng batas, paglalaan ng budget, at malinaw na timeline kung kailan ito maipapatupad.

Sa kabilang banda, may mga eksperto ring nagsasabing maaaring hindi agad ₱50,000 ang ibigay ngunit puwedeng unti-unting taasan ang sahod kada taon. Halimbawa, maaaring magkaroon ng phased salary increase hanggang maabot ang target salary sa mga susunod na taon. Sa ganitong paraan, hindi masyadong mabibigla ang national budget habang tuloy-tuloy pa rin ang pagtaas ng kita ng mga guro. Iyon nga lang, madalas dahil sa pa unti-unti ang pagtaas ng sahod taon taon ay inu-unti unti din ang pagloan nito dahil sa pagtaas ng bilihin taon taon. Ito ang mapait na realidad. 

Isa rin sa mga mahalagang tanong dito ay kung paano tinitingnan ng lipunan ang mga guro. Sa maraming bansa, mataas ang respeto at kompensasyon sa teaching profession dahil kinikilala nilang mahalaga ito sa paghubog ng future workforce at leaders. Sa Pilipinas, madalas ay tinatawag nating “bayani” ang mga guro, ngunit marami ang nagsasabing hindi sapat ang papuri kung hindi naman naibibigay ang tamang sahod at suporta.

Ang pagiging guro ay hindi simpleng trabaho lamang. Hindi natatapos ang responsibilidad nila kapag uwian na. Marami sa kanila ang nag-uuwi pa ng papel na iche-check, lesson plans na gagawin, at reports na tatapusin. May ilan ding gumagastos mula sa sariling bulsa para sa school supplies, decorations, o pagkain ng estudyante kapag kinakailangan. Ilang beses na nating mapapanuod sa mga FB reels na kung saan madalas pinapakita ng mga guro kung paano nila tinutugunan ang pangagailangan ng kanilang studyante. 

Sa panahon ng pandemya, lalong nakita ang sakripisyo ng mga teachers. Marami ang nahirapang mag-adjust sa online at modular learning. Gumamit sila ng sariling gadgets, internet connection, at personal resources upang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga estudyante. Sa kabila nito, marami pa rin ang nakaranas ng stress, burnout, at kakulangan sa suporta, na ang iba ay nauwi sa mental stress at depression.

Dahil dito, para sa maraming Pilipino, makatarungan lamang na pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng mga educators. Ang pagtaas ng kanilang sahod ay hindi lamang tungkol sa pera kundi tungkol din sa pagkilala sa kanilang halaga at kontribusyon sa lipunan.

Sa aking pananaw, magandang hakbang ang pagsusulong ng ₱50,000 entry-level salary para sa mga teachers. Hindi man ito madaling maipatupad agad, mahalagang simulan ang seryosong pag-uusap at konkretong aksyon tungkol dito. Matagal nang kulang sa suporta ang education sector at panahon nang mas bigyan ito ng prayoridad.

Ngunit kasabay ng salary increase, mahalaga ring tiyakin na mababawasan ang workload ng teachers, mapapabuti ang school facilities, at magkakaroon ng mas maayos na sistema sa edukasyon. Hindi sapat na taasan lamang ang sahod kung mananatili pa rin ang sobrang pagod at dami ng non-teaching responsibilities.

Sa huli, ang tunay na tanong ay hindi kung deserve ba ng mga guro ang ₱50,000 na panimulang sahod. Para sa marami, malinaw na oo ang sagot dito. Ang mas mahalagang tanong ay kung handa bang gawing prayoridad ng gobyerno at ng lipunan ang edukasyon at kapakanan ng mga taong nasa likod nito. Mulat na ang karamihan na mahina o tila hindi prioridad ng mga namumuno o maging sa mga mambabatas and sektor ng edukasyon.

Ito lamang sana ang ating pakatandaan na kapag inalagaan natin ang mga guro, inaalagaan din natin ang kinabukasan ng bawat batang Pilipino at ng buong bansa.

Huwag kalimutang i-share ito sa iba nang sa ganun ay maiparating natin sa kinauukulan na sana mabigyan ng pansin ang kahilingan nating ito at para masabi nating hindi lamang ito pangarap; panahon na upang ito ay maisakatuparan.

Post a Comment

0 Comments